1 PATAY, 2 SUGATAN: Tricycle pisak sa poste

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang binatang pasahero ng tricycle habang malubhang nasugatan ang driver nito nang ma­bagsakan ang naturang sasakyan ng konkre­tong poste ng Meralco kahapon sa Quezon City.

Nasawi noon din ang biktimang si Kevin Lim, 19, ng Torres Subd., Banlat Road, Brgy. Tan­­dang Sora, Quezon City  matapos mabag­sa­kan ng malaking poste ng Meralco na ma­higit isang tonelada ang bigat ang sinasakyang tricycle.

Patuloy namang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang  driver ng Kawasaki tri­cycle (VH-4482) na si Adonis Reyes, 25, ng Pearl St., Banlat Road sa naturang barangay. Si Reyes at isa pa na nakilalang si Mike Cunanan ay kapwa nasugatan sa naturang aksi­dente. Si Cunanan ay nadamay sa aksi­dente nang ang minamanehong tricycle ay mapadaan sa naturang lugar.

Arestado naman si Lito Camato, driver ng dump truck  (RSD-754) na sinasabing pinag­mulan ng trahedya makaraang sumabit ang sasakyan nito sa kable ng kuryente na humila sa nasabing poste  at bumagsak  sa tricycle ng mga  biktima.

Base  sa  report  ng Traffic Sector 6, dakong ala-1 ng hapon nang maganap  ang insi­dente sa Banlat Road habang nakasakay sa nasabing tricycle si Lim na minamaneho ni Reyes nang bigla na lamang gumilid ang sinusundan nilang dump truck at sumabit sa   mala­laking kable ng poste ng Meralco.

Matapos mapuwersa ng  dump truck ang mga kable  sa poste ay tuluyang nabuwal ito at nabagsakan ang tricycle ng mga biktima.

Show comments