MANILA, Philippines - Ligtas pa sa “rotating brownout” ang Metro Manila at mga karatig la lawigan makaraang sabihin kahapon ng Manila Electric Company (Meralco) na wala pang abiso sa kanila para magpatupad nito.
Sinabi ni Meralco Corporate Communications Manager Dina Lomotan na wala pa silang natatanggap na abiso mula sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) hinggil sa iskedyul ng ipapatupad na rotating brownout.
Gayunman, inihayag ni Lomotan na handa silang magbawas ng supply ng kuryente kung kinakailangan para maiwasan ang mas malaking problema.
Una nang iniulat na magkakaroon ng dalawang beses na rotating brownout kada araw sa Luzon dahil naka-shutdown umano ang Malampaya Natural Gas Facility.
Inaasahang mag-uumpisa at tatagal ang rotating brown-out mula Pebrero 16 hanggang Marso 11 dahil sa pagkaubos ng suplay ng kuryente sa Malaya power plant. (Danilo Garcia)