MANILA, Philippines - Hindi dumalo si dating Manila Mayor Lito Atienza sa ‘face-off’ o forum na isinagawa ng mga estudyante ng Philippine Normal University (PNU) para ilahad ng mga local candidate sa lungsod ng Maynila ang kanilang plataporma para sa kanilang pagtakbo sa nalalapit na eleksiyon.
Maagang dumating sa forum ang magka-tandem na sina Manila Mayor Alfredo Lim at Vice Mayor Isko Moreno na sinundan naman ni dating PNP chief Director General Avelino Razon, Jr., Atty. Vladimir Cabigao ng Social Justice Society (SJS) at Manila 6th District Councilor Bojay Isip-Garcia.
Ayon kay Lim, hindi niya ipinagyayabang ang kanyang nagawa sa Maynila na kinabibilangan ng ospital, school building at maging ang mga libreng edukasyon, subalit hindi naman umano makatarungan na siraan siya ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Iisa naman ang naging pananaw para sa kapaligiran sa Maynila nina Razon at Moreno kung saan dapat na maging transfer station lamang ang Pier18 at hindi maging isa pang Smokey Mountain.
Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkadismaya at hindi nagustuhan ng ilang audience ang pahayag ng ilang organizer ng forum kung saan tila ikinampanya nito ang mga kandidato na tutol sa oil depot samantalang hindi pa simula ng kampanya ng mga kandidato sa local level.
Ayon sa mga ito, ang forum ay para matulungan ang botante na mamili at hindi turuan at impluwensyahan ang mga botante para sa interes ng iilan. (Doris Franche)