MANILA, Philippines - Kasalukuyan pa ring tinutugis ng pulisya ang isang Chinese national na nanakot at nagnakaw ng P1 milyong salapi sa isa ring Tsinoy na estudyante sa Project 8, Quezon City.
Kinilala ni Chief Inspector Benjamin Elenzano ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District ang suspek na si Wang Wei na nagnakaw ng malaking halaga sa biktimang si Liang Sun, 23, tubong Hubei, Wuhan City sa Mainland China, estudyante sa AMA Computer School at nanunuluyan sa Argao street, Villa Arca I, Project 8.
Sinasabi ni Sun na nangyari ang insidente nitong Enero 31 hanggang Pebrero ng kasa lukuyang taon. Nagsimula ito nang puntahan siya ng suspek sa kanyang tinutuluyan at binabalaan dahil may nasaktan umano siyang kapwa estudyante sa kanilang paaralan.
Habang nakikipag-usap, bigla na lamang umanong naglabas ng baril ang suspek saka tinutukan ang biktima sabay sabing may masamang mangyayari sa kanya kung hindi makikipag-ayos sa nasaktan nito na naghihintay umano sa labas.
Dito ay humihingi ang suspek ng P200,000 sa biktima para umano sa batang nasaktan nito. Sa takot na may masamang mangyari sa kanya, ibinigay ng biktima ang 19,000 Hongkong dollars at P50,000 cash.
Matapos ang insidente, muling tumawag ang suspek sa biktima at tinakot na ang tatay umano ng sinaktan niyang bata ay hinahanting siya sa school. Muling humingi ang suspek ng P50,000 para ayusin ang problema kung saan ibinigay niya ito sa isang fastfood.
Bukod sa cash, kinuha pa ng suspek ang plane tickets, ACR card at passport ng biktima. Sa kabila nito, hindi pa rin tumigil ang suspek at muling bumalik at humihingi naman ng kabuuang halagang P400,000 na ibinigay ng biktima sa isang hotel sa Chinatown sa Sta. Cruz, Manila at sa burger outlet sa Road 20 sa Proj. 8.
Kamakailan lang, ipinagtapat umano ng pinsan ng biktima na sina Sophie Xie at Sunny Yaw na maging sila ay pinuntahan ng suspek at tinatakot na papatayin kung hindi magbibigay ng pera dahilan upang magdesisyon na silang humingi ng tulong sa pulisya. (Ricky Tulipat)