Pagbabantay kay Ampatuan, itinodo

MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ni Justice Secretary Agnes De­va­nadera ang paglalagay sa “extra ordinary alert level” ng National Bureau of Investi­gation (NBI) matapos na ma­diskubre ang posibleng pag­takas kay Maguindanao mas­sacre suspect Andal Am­patuan Jr.

Ayon sa Kalihim, ang kan­yang kautusan ay hindi lamang base sa natanggap niyang impormasyon kundi maging sa mga impormasyon din mula sa mga hotels na na­kapaligid sa NBI head­quar­ters sa Taft Avenue, Maynila.

Hindi naman ipinaliwanag ni Devanadera kung ang nakuhang impormasyon mula sa mga hotel ay may indi­kasyon na dito nanunuluyan ang mga kaalyado ni Am­patuan at naghahanda na lamang ng pagsalakay sa NBI upang itakas ang suspek.

Siniguro naman nito na patuloy nilang ipapatupad ang mahigpit na seguridad kay Am­patuan at ililipat na nila ang iba pang suspek sa mas­sacre. Posible umanong sa Fort Santo Domingo sa Laguna dalhin ang mga ito.

Nakatakda na ring iluwas dito sa Metro Manila ang iba pang miyembro ng pamilya Ampatuan  matapos na apru­ba­han ang paglilipat ng kasong rebelyon dito.

Samantala, sinabi naman ni Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na nag­talaga na siya ng karagda­gang police personnel  sa pa­ ligid ng NBI matapos na pu­mutok ang balitang tang­kang pagtatakas kay Am­patuan.

Matatandaan na nadis­kubre ang planong pagpapa­takas kay Ampatuan matapos na marekober ang isang mapa na may kasamang rifle grenade na walang triggering device  sa Greenhills Shop­ping Center sa San Juan noong nakara­ang linggo.

Sinabi ni Atty Ricardo Diaz ng NBI, may markang X ang NBI at Supreme Court at may mga numerong 1-31-10 na posibleng pag- atake ngayong araw na ito (Enero 31).

Posible rin naman na tak­tika lamang umano ito upang matakot ang NBI at ilipat si Ampatuan sa ibang pasilidad.

Matatandaan na ikinulong si Ampatuan sa NBI ilang araw matapos ang massacre no­ong Nobyembre 23, 2009. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments