MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Metropolitan Manila Development Authority ang muling pagpapatupad ng “No Physical Contact Policy” o pagdakip sa isang driver na lumabag sa batas-trapiko nang hindi na kailangang kumpiskahan ng lisensiya at maiiwas ang mga ito sa pangongotong ng ilang traffic enforcer.
Sinabi pa ng MMDA na sa pamamagitan ng mga nakakabit na digital and closed circuit television cameras sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila, malalaman kung sinu-sinong mga motorista ang lumabag sa batas trapiko.
Hindi na kailangang puntahan pa ito ng enforcer para kunin ang lisensiya.
Padadalhan na lang ng notice ang motoristang lumabag sa batas trapiko kapag nakita ito sa cctv.
Kapag ang isang violator ay hindi tumugon sa kanyang naging paglabag, maitatala ito sa Land Transportation Office at hindi siya makaka-renew o makakakuha ng lisensiya kapag may record siya sa MMDA.
Sa pamamagitan ng traffic scheme na ito, maiiwasan ang pangongotong ng ilang tiwaling enforcer at malalaman din ang ahensiya kung sino sa tauhan nila ang gumawa ng katiwalian.
Matatandaan na noong Hulyo 23, 2009 unang ipinatupad ang NPCP traffic scheme sa ilalim ng pamumuno ni dating MMDA Chairman Bayani Fernando kung saan nagkaroon ito ng 90 araw na dry-run. (Lordeth Bonilla)