MANILA, Philippines - Winakasan ng isang lasing na lalaki ang sariling buhay makaraang magbigti ito sa isang eskinita malapit sa kaniyang bahay sa hindi mabatid na dahilan kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Lorenzo Sernicula, 51 anyos, tricycle driver, at residente ng no. 2575 M. Dela Cruz Street sa naturang lungsod.
Sa ulat ng Pasay police, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang madiskubre ng kapitbahay na si Carina Alcantara ang nakabiting bangkay ni Sernicula sa isang mataas na pader ng kaniyang kalapit-bahay sa may I. Reyes Street ng naturang lungsod.
Ayon kay Alcantara, narinig pa niyang sumigaw ng “Goodbye” ang biktima bago nakita ang nakabiting bangkay nito. Agad namang humingi ng saklolo si Alcantara sa mga awtoridad na siyang nagbaba sa katawan ni Sernicula at isinugod sa pagamutan.
Nabatid pa sa imbestigasyon na dakong alas-11:30 ng gabi nang umuwi ng bahay si Sernicula at naghanap ng martilyo nito. Lumabas naman ito ng bahay at umakyat sa nakaparada niyang tricycle, isinabit ang dulo ng lubid na gamit sa pagpapatiwakal sa bakal sa itaas ng pader ng kapitbahay, ipinulupot ang dulo sa leeg at saka tumalon sanhi ng pagkakabali ng leeg nito. (Danilo Garcia)