Gringo inisnab ang hearing ng Magdalo

MANILA, Philippines - Hindi sinipot ni Senator Gregorio “Gringo” Honasan ang nakatakda niyang pag­tes­tigo kahapon kaugnay sa kasong kudeta na kinaka­harap nina Senator Antonio Trillanes IV at mga kasama­han nito sa Makati Regional Trial Court (RTC).

Dahil dito’y nagbanta si Atty. Ernesto Francisco, Jr, abo­gado ng Magdalo na hi­hilingin niya kay Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng Branch 148 na padalhan ng sub­poena ang senador upang mapuwersa ang senador na humarap sa hukuman.

Napag-alaman na si Ho­nasan sana ang pinakahuling testigo ng depensa bago ila­bas ng husgado ang reso­lus­yon sa mahigit anim na taon ng kasong kudeta na isinampa kina Trillanes at mga kasama­han nitong miyembro ng Magdalo kaugnay sa Oak­wood Mutiny na naga­nap noong Hulyo, 2003.

Ayon sa nabanggit na abogado,  na mahalaga ang testi­monya ni Honasan dahil kailangang ipaliwanag niya ang nilalaman ng inakdang National Recovery Program na isang platapormang nais nilang sundan ng pamahalaan at siyang nagiging bibliya ng grupong Magdalo.

Patutunayan aniya rito na hindi isang uri ng pag-aaklas laban sa pamahalaan ang naturang kudeta kung saan isa lamang itong kilos protesta laban sa nagaganap uma­nong katiwalian sa gobyerno.

Nauna ng isinangkot ng ilang miyembro ng Magdalo si Honasan sa nangyaring pag-aaklas matapos ihayag na kasama ang Senador sa ilang mga pagpupulong bago kub­kubin ang nasabing Hotel.

Bagama’t naisama muna si Honasan sa kaso, ipinasiya ng Department of Justice (DoJ) na idismis ang kaso laban sa Senador dahil sa kawalan umano ng sapat na ebidensiya.

Sa liham na ipinadala ni Honasan sa korte, ikinatuwi­ran niya na hindi siya maka­dalo sa pagdinig dahil may nakatakda siyang committee hearing sa Senado at pina­ngu­nahan din niya ang plenary hearing ng Commis­sion on Appointments ka­hapon at ngayong araw. (Lordeth Bonilla)

Show comments