MANILA, Philippines - Nakikipag-ugnayan na ang National Bureau of Investigation-Special Action Unit sa counterpart nito upang iberipika ang impormasyon na nakalabas na ng bansa ang suspek sa pamamaslang sa anak ni Undersecretary Renato Ebarle Sr. ng Presi dential Chief of Staff.
Sinabi ni Atty. Angelo Magno, hepe ng NBI-SAU, si Jason Ivler na itinuturing na mapanganib na pugante ay nakapuslit na sa bansa at nagtatago sa Malaysia.
Bukod sa NBI-Interpol counterpart, nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa Bureau of Immigration ukol sa ulat na tumakas si Ivler na itinuturong pumatay kay Renato Victor Ebarle Jr.
Ayon pa kay Magno, ipinakalat na rin nila ang larawan ni Ivler, 27, sa mga iba’t ibang ahensiya ng awtoridad.
Nauna rito, narekober ng NBI ang Honda CRV na may plakang diplomatic mate 20903 na sinasabing sangkot sa naging away sa trapiko ni Ivler at sa napatay na si Ebarle.
Kasama ng NBI-Special Action Unit (SAU) ang Highway Patrol Group-National Capital Region sa pagsalakay sa Dos Concepcion Dos, Rancho Dos, SSS Village, Marikina City.
Kaugnay nito, inilagay na kahapon sa watchlist ng Bureau of Immigration (BI) si Ivler.
Ayon kay Immigration Commissioner Nonoy Libanan, inilagay na nila sa watchlist si Ivler upang hindi ito makalabas ng bansa.
Inatasan din nito si Ferdinand Sampol, chief ng airport operations division and immigration supervisors sa Ninoy Aquino International Airports, Diosdado Macapagal International Airport, Laoag International Airport, Mactan International Airport and Davao International Airport, na kaagad ipatupad ang kanyang kautusan.
Samantala, itinatago umano ng isa nitong malapit na kaanak si Ivler, ayon sa pamunuan ng Quezon City Police.
Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Elmo San Diego, siniguro nitong malapit na nilang madakip si Ivler na hanggang ngayon ay nagiging madulas sa mga awtoridad matapos ang pagpatay kay Ebarle.
Giit ni San Diego, ang naganap na pagsalakay sa mga tahanan sa Quezon City, Antipolo City at Marikina City na pinaniniwalaang pinagtaguan niya matapos ang pagpatay ay nagresulta sa negatibo dahil mabilis itong nakaalis ilang oras bago dumating ang mga operatiba.
Naniniwala si San Diego na may nagsabi agad kay Ivler hingil sa pagdating ng mga pulis o ang taong nagtatago sa suspek ay pamilyar sa galaw ng mga awtoridad.