Fetus kuha sa CR ng campus

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang isang estudyante ng Arellano University ang nagtapon ng kaniyang anak sa loob ng comfort room ng campus na natagpuan kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:00 ng umaga nang madiskubre ang tinatayang 7-8 buwang lalaking fetus sa loob ng comfort room ng mga babae sa 3rd floor ng Plaridel Hall ng Arellano University sa Legarda St., Sta Mesa, Maynila.

Sinabi ng janitress na si Miraluna Daguman, 37, napansin niya ang isang kulay pink na plastic bag na may dugo kaya binuklat nito at natuklasang isang lalaking fetus na nakabalot sa isang baby diaper.

Aniya, marami ang naglalabas-masok sa CR ng mga estudyanteng babae kaya hindi niya matukoy kung sino ang may kagagawan at huling pumasok sa CR.

Ang fetus ay kasalukuyang nakalagak sa St. Harold Funeral Parlor sa Paco, Maynila. (Ludy Bermudo)

Show comments