MANILA, Philippines - Isang 40 anyos na lalaki ang nasawi nang martilyuhin sa ulo at pagbabarilin ng apat na miyembro ng riding in tandem gang na nakasuot ng bonnet sa lungsod Quezon kamakalawa.
Onsehan sa droga at gang war ang tinitignang motibo ni Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng homicide section ng Quezon City Police District, sa pagpatay sa biktimang si Eric Trespeses, ng Brgy. Commonwealth sa nasabing lunsod.
Naglalakad si Trespeses sa San Roque St., Brgy. Commonwealth nang sumulpot ang isang XRM na motorsiklo sakay ang dalawang kalalakihang nakasuot ng bonnet at pinagbabaril ito. Nagsilbing look-out ang dalawa pang lalaki na lulan ng isa pang motorsiklo.
Ayon kay Elenzano, posibleng kakilala ng biktima ang mga suspek kaya’t dito ngayon nakapokus ang isasagawa nilang imbestigasyon para sa ikalulutas nito. (Ricky Tulipat)