MANILA, Philippines - Wanted sa pulisya ang isang tindero ng segundamanong cellphone matapos pagsasaksakin ang kapwa niya tindero na naningil ng P50 na tinanggihan naman ng una sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw. Binawian ng buhay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Angelito Co, 23, ng Kagitingan St., Tondo, sanhi ng saksak sa katawan buhat sa suspect na kinilala lamang sa alyas na “Roger” at “Pare”. Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen.
Dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tindahan ng cellphone ng biktima na nasa kanto ng Juan Luna at Padre Rada St., Tondo. Nabatid na kabilang ang biktima at suspek sa grupo ng mga nagbebenta ng second hand cellphone sa nasabing lugar at isang babaeng kostumer ang nagreklamo sa pulis dahil sa sira umano ang nabili sa kanila.
Nang pumayag ang babae sa areglo na lamang at hindi na itutuloy ang reklamo sa pulis at nag-ambag-ambag ang lahat na tindero ng second hand cellphone upang makabuo ng P950 na hinihingi ng babae. Bukod tanging ang suspect ang hindi nag-ambag ng 50 piso.
Ilang oras na ang nakalipas hanggang sa magkaniya-kaniyang tulog na sila nang bigla na lamang pasukin ng suspek ang biktima sa tindahan nito at inundayan ng mga saksak sa katawan. (Ludy Bermudo)