MANILA, Philippines - Patay ang isang kilabot na holdaper makaraang makipagbarilan sa isang bagitong pulis na nanita sa kanya, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dadalhin pa sana sa pagamutan ni PO1 Edmar Echate, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 8 ng Pasay Police si Harvey Flores, 33, ng Alvarez St., subalit nagdatingan na ang mga galit na galit na kalalakihang barkada nito kaya agad na lamang dumiretso ng kanyang presinto dala ang baril ng nasawi ang una.
Sa ulat ng Pasay police, nasa loob umano ng kanyang bahay sa 2180 P. Dandan St., Tramo si Echate dakong alas-8:30 ng gabi nang magsumbong sa kanya ang isang impormante na nasa kanilang lugar si Flores na may bitbit na baril at tila may hinahanap.
Dahil kilala umanong holdaper sa kanilang lugar si Flores, agad na rumesponde si Echate at maingat na sinita ito. Agad namang nagtatakbo ang suspek nang papalapit ang pulis kung saan nagkaroon ng habulan. Sinabi ni Echate na bumunot ng baril si Flores at dalawang beses siyang pinaputukan. Masuwerte itong hindi tinamaan at gumanti ng putok kung saan nasapol ang suspek sa likod na tumagos sa kanyang dibdib.
Napag-alaman sa rekord ng Criminal Records and Identification Section ng Pasay police na naharap na sa iba’t ibang uri ng kaso ng panghoholdap, pagnanakaw, illegal possesion of firearms, physical injuries at alarm and scandal sa iba’t ibang korte sa Pasay City ang nasawi. (Danilo Garcia)