MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing sa apprehending officers ng ahensiya na iimpound ang lahat ng bus ng Dagupan Bus Inc. na makikitang papasada ngayong Undas.
“Inutos ko sa mga tauhan natin sa LTFRB na iimpound ang mga bus ng Dagupan na makikita sa daan at nirekomenda ko na rin sa LTO na ganito din ang gawin nila dahil suspended ang buong fleet nila dahil sa nagdaang aksidente,” pahayag ni Suansing.
Isang buwang suspendido ang buong fleet ng Dagupan bus dahil sa pagkahulog sa bangin ng bus nito sa Cauayan, Isabela na ikinamatay ng 11 katao at pagkasugat ng 28 iba pa nitong Lunes
Sinabi ni Suansing na naisilbi na nila ang notice of suspension sa Dagupan bus at itinakda anya ng ahensiya na isailalim sa pagdinig ang kaso nito sa Nobyembre 5 ng umaga.
“Sa hearing, kailangang ipaliwanag na mabuti ng Dagupan bus kung road-worthy ba ang kanilang sasakyan, kung bihasa ba ang driver nila sa lugar na pinasok nito at kung bakit ito pumasok sa ruta ng Isabela gayung expired ang franchise nito sa nasabing ruta, hanggang Pangasinan lang sila dapat batay sa franchise nila sa ngayon,” pahayag ni Suansing.
Ang rutang Isabela ng Dagupan Bus Inc. ay paso na noong 1996 pa kaya’t nang maaksidente ang bus nito sa Cauayan Isabela ay nangangahulugang ito ay out of line. (Angie dela Cruz)