MANILA, Philippines - Isang binatilyo ang nasawi matapos na magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili dahil sa umano’y sobrang depresyon sa kanyang pag-aaral sa lungsod Quezon, iniulat kahapon. Si John Paul Serrano, 16, 4th year high school ng Balingasa St., Brgy. Balingasa sa lungsod ay natagpuan ng kanyang tatay na si Carlos Serrano na nakabitin sa kanilang tahanan gamit ang sinturon.
Ayon sa ulat, may natagpuang suicide note sa tabi ng biktima, kung saan nagpapasalamat siya sa kanyang mga magulang sa ginawang pagpapalaki sa kanya, maging sa kanyang guro sa matiyagang pagtuturo, at isang Irene na nagpapalaala dito na sana ay maging masaya ito kapag wala na siya.
Binanggit pa ng pulisya na masyadong na-depress ang bata sa kanyang pag-aaral dahil kahit pumapasok ito sa klase ay hindi naman tumatatak sa isipan nito ang mga aralin na ibinibigay ng kanyang mga guro.
Bukod umano dito, base sa tatay ng biktima, madalas din umanong napapasama sa trouble sa kanilang paaralan ang anak, ngunit hindi naman daw nila nagagawang pagalitan ito. (Ricky Tulipat)