MANILA, Philippines - Kadalasan ginagamit ngayon ng mga masasamang elemento ang pagsuot ng uniporme ng awtoridad para makapambiktima, kaya naman sa panig ng Bureau of Fire Protection nagbabala ang mga ito sa publiko na mag-ingat sa mga indibiduwal na nagkukunwaring Fire Safety Inspectors.
Aksyon ito ng pamunuan, matapos na maaresto ni Chief Insp. Samuel Tadeo, Fire Marshal ng Makati City Fire Department, ang limang kalalakihang nagkunwaring mga legitimate Fire Safety Inspectors na nakilalang sina Renald L. Solidum, Renato B. Nabaya, Jeroul D. Lingaolingao, Juanito L. Mon at Melvin R. Esposo.
Ayon kay Rolando M. Bandilla Jr., acting Chief ng BFP, sa dami ng mga negosyante na naghihintay para sa releases ng kanilang business permits, kung saan ang clearance mula sa BFP ang pangunahing requirements, ilan sa mga nagmamadaling negosyante ay nagiging biktima ng mga nasabing indibidwal. Dahil na rin sa matagal na paghihintay, mapipilitan ang mga negosyante na pumatol sa mga nasabing suspek sa pangako ng agarang pagpapalabas ng fire safety certificate kahit hindi dumaan sa tamang procedures.
Sinasabing sa pagkakadakip sa mga suspek, nasamsam sa mga ito ang mga kopya ng pekeng dokumento tulad ng mission order, resibo, pekeng identification cards at fire extinguishers. (Ricky Tulipat)