MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi makaraang pagbabarilin ng may sampung kalalakihang pawang nakasuot ng bonnet sa loob ng kanilang pinaglalaruang bahay sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ni Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng Homicide Section ng Criminal Investigation and Detective Unit (CIDU) ng Quezon City Police ang mga biktima na sina Joel Rey Jontilla, alyas Waway, 23; Ricardo Culala Jr., 23; at Angelito Salazar, 40, pawang taga-Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ang mga biktima ay pawang nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Ayon sa ulat, isa sa tinitingnang motibo sa pagpatay ay ang gang war na madalas umanong nangyayari sa nasabing lugar.
Naganap ang insidente, dakong alas-10 ng gabi habang naglalaro ng pool sa loob ng isang bahay sa Pinagkaisahan St. ang mga biktima nang pasukin ng mga suspek at walang sabi-sabing pinaulanan ang mga ito ng putok ng baril.
Samantala, bukod sa gang war tinitignan din ng awtoridad ang ulat na sangkot ang mga ito sa droga at kung may kaugnayan ito sa naganap na pamamaril kamakailan sa kilalang mandurukot na si Ricky Mabahin, alyas Lupen, 35, ng Block 10, Lot 8, Brgy. Commonwealth ng mga nakamotorsiklong suspek na pawang nakasuot din ng bonnet. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.