'Batang City Jail', 'Sputnik' nagsagupa

MANILA, Philippines - Isa ang patay makaraang magsagupa ang magkala­bang gang na “Batang City Jail” at “Sputnik” sa Baseco Port Area, Maynila, kamaka­lawa ng gabi.

Patay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Gerry dela Cruz, miyembro ng Sputnik gang at stay-in Ta­coma Integrated Port Services sa 2nd Street, Baseco Port Area, Maynila sanhi ng tina­mong mga palo at saksak sa katawan.

Nakatakas naman ang mga suspek na sina Eldin Medalla at Alvin Regulacion, kapwa fish worker sa Tacoma Integrated Port Services at kapwa miyembro ng Batang City Jail.

Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Tacoma In­tegrated Port Services sa 2nd Street, Baseco, Port Area.

Nabatid na nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng biktima at dalawang suspek dahil sa iringan ng kani-ka­nilang grupo hanggang sa naawat ng iba pang kasama­han sa trabaho.

Natulog na ang biktima sa kanilang quarter habang galit na galit pa rin ang mga suspek at muling hinanap ang biktima.

Dahil sa nais na maka­ganti, pinagdiskitahan ng mga suspek ang iba pang miyem­bro ng Sputnik na kasamahan sa trabaho kabilang ang isang Marvin Calunod na kaba­bayan ng biktima at isang Nelson Salinas subalit muli silang inawat.

Nang mamataan ng mga suspek ang biktima na naka­tayo sa gate ay hinabol ito at pinagpapalo habang ang isa ay sumasaksak.

Nang humandusay na ang duguang biktima ay tumakas ang dalawang suspek dala ang ginamit na patalim at pamalo. (Ludy Bermudo)

Show comments