Resort owner 'sinaniban', tumalon mula 15th floor

MANILA, Philippines - Dahil sa may-sakit sa pag-iisip at sa hinalang si­nasaniban ng masamang espiritu ang nagtulak sa isang 44-anyos na negos­yante na may-ari ng isang beach resort sa Palawan para tumalon buhat sa terrace ng ika-15 palapag ng condominium sa Er­mita, Maynila, kahapon ng umaga.

 Basag ang bungo at patay sa pinagbagsakan ang biktimang si Elena Maninang Flisi, Pinay na may-asawang Italian na­tional, may-ari ng Dolarog Beach Resort sa Palawan at pansamantalang nanu­nu­luyan sa Room 1501 Mayfair Tower 1106 Mabini corner United Nations Ave., Maynila.

Sa ulat ni Det. Steve Casimiro ng Manila Police District-Homicide Section, da­kong alas-10:45 ng umaga nang tumalon ang biktima sa veranda ng kan­yang unit na nasa 15th floor ng nasabing condo­minium.

Ayon pa sa report, ang biktima ay lumuwas la­mang sa Maynila dahil sa kagustuhan niya at sina­ma­han siya ng anak na babae at kapatid niyang si Rodelio Maninang.

Habang nasa loob umano ng kuwarto ang mga kasamahan ng bik­tima ay nagtungo ito sa harang na grills ng veranda at bigla na lamang tu­malon.

Nabatid na kalalabas lamang umano ng condo ng mister ng biktima na si Edo Flisi, 54, negosyante, Italian national, upang mag-withdraw sa ATM nang maganap ang in­sidente.

Nabatid pa na kama­matay lamang ng ina ng bik­tima noong Setyembre 18, 2009, sa Quezon Pro­vince at kahit wala pa uma­nong ‘pasiyam’ ay nagpu­mi­lit nang lumuwas sa May­nila ang nasawi at na­ga­galit umano sa kokontra sa kanya.

Sa pahayag naman umano ni Rodelio, habang nasa Quezon province sila ay napuna na ang kaka­ibang kilos ng kapatid kaya ipinagamot umano ito sa albularyo.

Aminado rin umano ang mister ng biktima na si Edo, sa kakaibang ikinilos ng misis nang dumating siya sa bansa noong Mi­yer­kules ng hatinggabi buhat sa Italy. 

Patuloy pa rin ang isina­sagawang imbesti­gas­yon upang matiyak na walang naganap na foul play sa insidente. (Ludy Bermudo)

Show comments