MANILA, Philippines - Nagsimula na ang mga krimeng posibleng may kinalaman sa darating na halalan makaraang paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang lalaki ang bahay at sasakyan ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa Malabon City kamakalawa ng umaga.
Nagkabutas-butas lamang ang bahay at walang nasaktan sa miyembro ng pamilya ni Rudolf Melon, 56, nakatalaga sa Office of the Regional Director ng Comelec-NCR at residente ng Nangka Road, Brgy. Potrero, Malabon.
Sa ulat ng Malabon police, naganap ang insidente dakong ala-1:45 kamakalawa ng madaling- araw nang pumarada sa tapat ng bahay ng biktima ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at paulanan ng bala ang bahay ni Melon gamit ang isang M-16 armalite rifle at kalibre .45 pistol. Inabot din ng bala ang Toyota Hi-Ace van (PRE-412) ni Melon na nakaparada sa tapat ng kanyang bahay bago mabilis na tumakas ang dalawang suspek kung saan hindi na nakuha ang plaka ng kanilang motorsiklo.
Nabatid naman na wala si Melon sa naturang bahay nang maganap ang insidente at pawang mga katulong lamang ang naiwan. Sinabi ni Melon na maging siya ay blangko sa motibo ng pamamaril dahil sa wala naman siyang alam na nakaaway lalo na ukol sa halalan.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang mga bala ng kalibre .45 at armalite kung saan nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis upang alamin kung may kaugnayan sa pagiging election officer ng biktima ang dahilan ng nasabing insidente.
Nabatid na natalaga bilang election officer sa 2nd District ng Caloocan City si Melon nitong 2007 matapos na manggaling sa Comelec-NCR officer sa Intramuros, Maynila. (Danilo Garcia)