Petisyong piyansa ng Jimenez brothers, ibinasura

MANILA, Philippines - Hindi pinagbigyan ng Navo­tas-Malabon Regional Trial Court ang petisyon ng kampo ng pamilyang Jimenez para ma­kapagpiyansa at mailipat sa pagamutan ang isa sa mga sus­pek sa pagpatay kaugnay sa pag­paslang kay Ruby Rose Barrameda sa naganap na pagdinig kahapon.

Bagama’t pinasok ng tubig dahil sa high tide ang court room, hindi ito naging hadlang para hindi ituloy ni Judge Hector Almeyda, ng RTC Branch 170, ang pagdinig sa kasong isi­nampa kina Atty. Manuel Jime­nez at kapatid na si Lope Jime­nez sa pagpatay umano kay Barrameda.

Hindi nagpalabas ng desis­yon si Judge Almeyda sa isinu­miteng petisyon nina Atty. Mario Aguinaldo at Atty. Paul Lentejas para payagang makapagpi­yansa ang magkapatid. Hindi rin niresolba ng hukom ang kahili­ngan para mailipat sa pribadong pagamutan si Atty. Jimenez na idinadahilan na may karamda­man sa puso dahil sa hindi pa naman nakakapagpalabas ng “medical report” ang Philippine Heart Center sa ginawang pag­susuri dito.

Sa naturang pagdinig, tinu­tulan ng mga abogado ng Jime­nez ang pagpapalabas ng video sa malaking “projector” sa loob ng korte ngunit hindi ito kinati­gan ni Almeyda na pinayagan ang pagpapanood ng “retrieval operation” sa drum na doon si­ni­mento ang bangkay ni Barra­meda sa karagatang sakop ng Navotas.

Bigo rin ang mga abogado ng Jimenez na mapalabas ng korte ang mga tagasuporta ng mga Barrameda na pawang nakasuot ng t-shirts na may tatak na “Justice for Ruby Rose”.

Muli namang itinakda ni Judge Almeyda ang pagdinig sa kaso sa Oktubre 12, 2009.

Samantala, inalis na kaha­pon ng testigo sa Ruby Rose Barrameda murder case na si Manuel Montero ang serbisyo ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang kanyang abogado sa naturang kaso.

Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, nagulat na lamang siya kahapon ng pag­dating niya sa Malabon Re­gional Trial Court (RTC) kung saan nag­ sasagawa ng pagdinig kaugnay sa nasabing kaso, ay isang pulis ang lumapit sa kanya para ibigay ang liham umano ni Montero. (Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)

Show comments