MANILA, Philippines - Patay ang isang 18-anyos na estudyante makaraang tumalon mula sa ikatlong palapag ng isang kilalang mall sa Fairview, Quezon City kamakalawa.
Dead on arrival sa FEU Hospital ang biktimang si Danilo Jadd Coronel, estudyante ng STI at residente ng Camus Extn., Malabon City.
Base sa ulat ni P/Chief Insp. Benjamin Elenzano Jr., hepe ng homicide section ng QC Police, naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi sa loob ng isang mall sa kanto ng Regalado Avenue at Quirino Hi-way Brgy. Pasong Putik ng nabanggit na lungsod.
Sinasabing naglalakad noon sa ikatlong palapag ng gusali ang biktima kasama ang kaibigan nitong si Crystal Enriquez nang bigla siyang tumalon mula sa itaas.
Lumagapak ang biktima sa food court ng establisyimento at sa lakas ng pagbulusok nito pababa naapektuhan ng husto ang kanyang ulo.
“Head and body injuries ang inabot ng biktima sabi ng mga magulang. May suicide note daw ang kanilang anak na nasa kanila na hindi na ipinakita pa,” paliwanag ni Chief Insp. Elenzano Jr.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naturang kaso.