MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pagbabayad ng utang, isang lalaki ang pinagtataga ng kanyang inutangan kamakalawa sa lungsod ng Caloocan. Nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa Jose Rodriguez Hospital sanhi ng mga taga sa katawan si Raymundo Repomanta, 35, ng Malanting St., Amparo Subd., ng lungsod na ito.
Arestado naman ang suspek na si Joventino Condeno Jr., 28, air-con technician at kalugar ng biktima.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa kahabaan ng Malanting st., ng naturang lungsod. Bago ang insidente ay sinisingil ng suspek sa utang ang biktima. Wala namang naibayad ang biktima na naging dahilan ng kanilang pagtatalo hanggang sa kumuha ng jungle bolo ang suspek at saka pinagtataga ang una. (Lordeth Bonilla)