MANILA, Philippines - Isang lalaki, na hinihinalang biktima ng salvage, ang natagpuan sa isang madamong bakanteng lote kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na isang alias Mac-mac Ogag, may taas na 5’9’’, burdado ng tattoo sa katawan at umanoy miyembro ng Sputnik gang at nakasuot ng blue na t-shirt at printed na short pants.
Base sa ulat, dakong alas-7 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa panulukan ng Matang Tubig at Avenida St., Tondo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, na may mga galos sa kanang bahagi ng mata, kamay at tuhod at saksak ng hinihinalang ice pick sa kaliwang bahagi ng leeg ang nasawi.
May hinala naman ang pulisya na posibleng bandang gabi pa namatay ang biktima dahil matigas na ang bangkay nito habang patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad kung biktima ito ng salvage o kinursunada lamang at saka itinapon sa naturang lugar. (Gemma Amargo-Garcia)