Kamatayan tumagay

MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na delivery boy ang nasawi nang pagsa­saksakin ng isang grupo ng kalalakihang nag-iinuman habang bumibili siya ng alak sa isang tindahan sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila kahapon ng madaling-araw.

Patay na nang maisugod sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Erdy Caranto, delivery boy ng ER Egg Store sa Oroquieta.

Nauna rito, nakikipag-inuman si Caranto sa ilan niyang kasamahan sa trabaho nang maubos ang kanil­ang iniinom at nagboluntaryo siya sa pagbili ng pani­bagong alak.

Sinamahan si Caranto ng isang Roel Tabua pagtungo sa tindahan nang harangin sila ng isang grupo ng nag-iinuman ding kalalakihan at tagayan ng alak na kanilang pinaunlakan.

 Nang mainom ay isinoli ang baso subalit isa sa grupo ng kalalakihan ang tumayo at kinadyot ng saksak sa tiyan ang biktima. Mabilis namang hinatak ni Tabua ang biktima at isinugod sa ospital subalit idineklarang patay na. (Ludy Bermudo)

Show comments