MANILA, Philippines - Isang babae ang nasawi matapos pagsasaksakin umano ng isang caretaker sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala lang ng pulisya ang babae sa alyas na Jeck-Jeck na nakasuot ng itim na t-shirt, short pants, balingkinitan ang katawan, naka sandals at may taas na 4’7’’. Gayunman, sa isang ulat, natukoy na Annabelle Layog ang pangalan ng biktima.
Natunton naman ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police ang sinasabing suspek na si Lauriano Agabao, 51, may-asawa, caretaker ng 8 Goldmine St., Nagkakaisang Nayon, Novaliches habang nagpapagamot sa East Avenue Medical Center.
Isang guwardiyang si Lorante Abarra ang unang nakakita sa duguang bangkay ng biktima sa compound ng Smart cell site sa Skylark St. cor. Nightingale, Brgy. Kaligayahan.
Sa pahayag ni Abarra sa pulisya, dumalaw umano ang babae sa suspek sa nasabing cell site at napuna niya na tila nagkakasagutan ang mga ito subalit hindi niya pinansin. Makalipas ang ilang oras, habang nagruronda siya sa lugar, nakita na lamang niya ang duguang katawan ng babae na nakabulagta sa loob ng tanggapan.
Sa pagsisiyasat, nagtamo ng maraming tama ng saksak sa buong katawan ang biktima na siyang ikinamatay nito.
Idinepensa naman ni Agabao na nagtanggol lang siya sa kanyang sarili dahil una siyang sinaksak ng biktima. (Ricky Tulipat)