Dalaga naglason

MANILA, Philippines – Naglasing muna bago lumagok ng lason ang isang 19-anyos na dalaga kahapon ng madaling-araw sa Malabon City. Namatay habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Liza Delasan, taga-Area 2, Navotas City. 

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas -2 ng mada­ling-araw sa Block 20, Dalagang Bukid St., Malabon City. Nakipag-inuman pa umano ang biktima sa kanyang nakababatang kapatid na si Lea, 17 at ilang kaibigan sa na­banggit na lugar hanggang sa nagpaalam ang biktima na gagamit muna ng banyo.

Hindi pa nagtatagal sa banyo ang dalaga ay narinig ng mga kainuman nito ang lagabog na naging dahilan upang puntahan si Liza hanggang sa makitang bumubula ang bibig nito habang nasa tabi ang isang botelya ng silver cleaning solution na hinihinalang nilagok nito.

Mabilis na isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan, ngunit nalagutan ito ng hininga habang nilala­patan ng lunas. Inaalam na ng mga pulis ang dahilan upang maglason ng biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments