MPD cop timbog sa 'kotong' sa checkpoint

MANILA, Philippines – Arestado ang isang pulis-Maynila na umano’y nagmamando sa checkpoint ma­tapos na mahuli ito sa aktong tumatanggap ng lagay mula sa isang tricycle driver na may kargang mga isda kahapon ng umaga sa Del Pan, Maynila.

Kasabay nito pinasasampahan ng kasong kriminal at administratibo ni Manila Mayor Alfredo Lim ang pulis na nakilalang si PO2 Alex­ander Arguelles ng Meisic Police Station.

Lumilitaw na nakatanggap ng reklamo si Lim hinggil sa talamak na extortion activities ng umano’y mga pulis na nakatalaga sa Del Pan checkpoint.  

Bukod kay Arguelles, inutos din ni Lim na imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso ang mga kasamahan ng inarestong pulis na kasama sa team na kinabibilangan ni Chief Inspector Ramon Razote, SPO2 Pedro Caoc, PO2 Sultan Mayaco, PO1 Rem Sychangco, PO1 Ariel Salvador at Noel Gallevo na magkakasamang nagsasagawa ng Oplan Sita sa paanan ng Del Pan Bridge Binondo.

Nabatid na bukod sa sumbong ay ilang araw na rin sinusubaybayan ng isang investigating team ang modus operandi ng team ni Arguelles na naninita ng mga biyahero ng mga gulay, prutas at isda na humahango sa mga pamilihan sa Divisoria, Navotas at Malabon bukod pa sa mga nangmumula sa mga probinsiya. (Doris Franche)


Show comments