MANILA, Philippines - Mahigit sa 100 mga bata ang naserbisyuhan ng “Oplan Libreng Tuli” na isinagawa ng Samahan ng Malayang Kabataan ng Navotas (SAMAKANA) na pinangungunahan ni John Rey Tiangco nitong nakaraang Linggo sa Brgy. Sipac Almacen sa unang distrito ng Navotas.
Sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas, City Health Office (CHO), Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan ang “Oplan Libreng Tuli” ay nasa ika-tatlong taon na libreng isinasagawa ng grupo ni John Rey Tiangco upang matulu ngan ang pamilya ng mga kabataan na hindi makayanan ang napakamahal na halaga ng pagpapatuli na halos umaabot sa P1,500. Ngayong buwan ng Mayo ay mayroon pang nakatakdang libreng tuli at ito ay gagawin naman sa ikalawang distrito kaya’t inaasahan na ang pagdagsa ng mga kabataang mula siyam na taong gulang upang samantalahin ang bakasyon at makakuha ng libreng serbisyong ito. Maliban sa libreng pagtuli ay nagkaloob din ng libreng gamot tulad ng antibiotic at mefenamic acid bilang pain reliever sa mga bata.