MANILA, Philippines - Nanindigan kahapon ang National Police Commission na wala nang retake para sa may 495 pulis at 365 sibilyan na unang kumuha ng Entrance and Promotional Examinations ng Philippine National Police noong October 26, 2008 matapos na mapatunayan ng ahensiya na nagkaroon nga ng iregularidad at malawakang pandayara sa nasabing pagsusulit.
Sinabi ni Napolcom Vice Chairman Eduardo Escueta na ginawa nila ang hakbang upang pangalagaan ang integridad sa mga isinasagawang pagsusulit ng ahensiya.
Bunga nito, ipinawalambisa ng Napolcom ang resulta ng nasabing pagsusulit matapos lumabas sa kanilang pagsisiyasat na may “leakage” at dayaan sa iba’t ibang testing centers.
Ayon pa kay Escueta, mahaharap sa kasong administratibo ang mga pulis na nandaya sa naturang pagsusulit.
Natuklasang magkakapareho ang sagot ng 365 sibilyang examinee sa mga testing centers sa buong kapuluan na posibleng kinopya sa kanilang cellular phones na i-tinext sa kanila.
Dahil dito, tiniyak ni Escueta na ang lahat ng mga civilian na kumuha at napatunayang nandaya sa pagsusulit ay pagbabawalan nang kumuhang muli upang hindi na makapasok sa pwersa ng kapulisan.
Ipagbabawal na rin ng Napolcom sa mga examinees ang pagdadala ng cellular phone sa loob ng mga testing centers kapag nagsagawang muli ng eksaminasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)