MANILA, Philippines - Inirekomenda kahapon ng piskalya ng Maynila ang pagsasampa ng kasong attempted robbery with homicide, mula sa attempted robbery with frustrated homicide laban sa dalawang estudyante ng Philippine Maritime Institute (PMI) sa Manila Regional Trial Court (RTC) bunsod ng tuluyang pagkamatay ng taxi driver na kanilang hinoldap at sinaksak noong Marso 21, 2009, sa Ermita, Maynila.
Ang mga suspect ay kinilalang sina John Warren Lumahan, 20, at Ernesto T. Gotido, 22, magkaklase sa Marine Engineering.
Itinakda ni Assistant City Prosecutor Winnie M. Edad ang piyansang P80,000 bawat isa para sa pansamantalang paglaya ng mga ito.
Sa impormasyon na inihain sa korte, hinoldap ng dalawa ang biktimang si Benjamin S. Pelonio, 30, driver ng Munich Taxi noong Marso 21, dakong alas-12:30 ng madaling- araw.
Nagkunwaring magpapahatid sa Malate ang dalawa subalit pagdating sa paanan ng Jones bridge ay nagdeklara ng holdap. Hindi ibinigay ng biktima ang kinita at sa halip ay nagtangkang agawan ng patalim ang isa sa mga suspect hanggang sa masaksak siya sa tiyan ng ilang ulit,.
Nang makita ng mga tao ang komosyon ay sinaklolohan ang driver kaya mabilis namang nagsitakbo ang 2 holdaper hanggang sa dumating na ang rumespondeng mga pulis kaya napilitang tumalon ang mga ito sa ilog Pasig, sa likod ng PhilPost pero nasakote din ng mga awtoridad.
Lumipas ang ilang araw at noong Marso 25, 2009 ay binawian ng buhay ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH). (Ludy Bermudo)