MANILA, Philippines - Tiyak na magiging mas masaya ang pagtatapos ng mahigit 29,900 estudyante sa lungsod matapos ihayag kahapon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na ililibre nito ang mga gastusin sa graduation na kadalasa’y pinapasan ng mga magulang.
Bukod pa rito, nakatakda ring ipagpatuloy ng Caloocan Mayor ang pagbibigay nito ng “Best Teacher” at “Best Student” award at financial assistance sa mga natatanging guro at mag-aaral sa 86 pampublikong paaralan sa siyudad.
Ayon kay Echiverri, bagama’t nauna nang iniutos ng Department of Education (DepEd) na gawing simple ang graduation ceremony sa mga pampublikong paaralan dahil sa nararanasang krisis, hindi pa rin maiwasan na gumastos ang mga magulang dahil sa iba’t ibang kontribusyon at graduation fees.
Dahil dito, nagpasya ang alkalde na sagutin ang gastusin ng mga magulang sa pag-arkila ng graduation toga para sa kanilang mga anak na magsisipagtapos.
Inilibre rin ni Echiverri ang gagamiting sound system sa mga paaralan na kadalasa’y kasama sa binabayaran na graduation fee.
Una rito, inisponsoran ng alkalde ang mga medalya at sertipiko na iginawad sa mga top student ng mahigit 16,500 estudyanteng iskolar ng mga day care center na pinatatakbo ng lungsod.
Iniutos din niya ang pagpapatupad ng “No toga policy” sa graduation sa lahat ng 198 day care centers upang hindi na makadagdag pa sa gastusin ng mga magulang.