MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na tindero ang pinaslang ng isang tricycle driver nang singilin niya ito sa utang nitong baterya ng cellphone sa Sta. Mesa, Manila kamakalawa ng hapon.
Wala nang buhay nang maisugod sa UERM hospital ang biktimang si Mahaimen Gambao, binata, ng 484 Damba, Sta. Mesa dahil sa mga tama ng saksak sa kanyang katawan.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na nakilala lang sa alyas na Alex na tinatayang 28-35 anyos at may taas na 5’4 hanggang 5’5.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang, pagkakita ni Gambao kay Alex sa paradahan ng tricycle, siningil niya ito sa utang nitong baterya ng cellphone.
Sa halip na magbayad, sinabihan pa ng suspek ang biktima ng “Magbabayad ako kung kailan ko gustong magbayad.”
Nagkainitan ang dalawa hanggang sa nakita na lamang na inundayan ng saksak ang biktima at mabilis na tumakas ang suspek. (Ludy Bermudo)