MANILA, Philippines - Dahil hindi matanggap na iwan ng asawa, isang negosyante ang nawala sa katinuan at nagkulong sa sarili nitong bahay saka nagsaksak sa sarili para tapusin ang kanyang buhay sa harap ng mga sumaklolong awtoridad sa lungsod ng Marikina kahapon ng madaling-araw.
Nagtamo ng mga saksak sa dibdib at tiyan at ngayon ay inoobserbahan sa Amang Rodriguez Medical center ang biktimang si Ridgin Ong, 34, ng Carayong corner Dragon St., Midtown Subd., San Roque, Marikina City.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente ganap na alas-12 ng madaling-araw makaraang makatanggap ng tawag ang tropa ng pulisya kaugnay sa umano’y pangho-hostage ng biktima sa kanyang sarili matapos magkulong sa loob ng kanyang bahay.
Agad na rumesponde ang mobile patrol unit sa pamumuno ni PO1 Ronnel Agsawa at nakipag-negosasyon sa biktima na lumabas upang ayusin ang kanyang problema.
Tumagal ng halos 30 minuto ang negosasyon at makalipas nito ay lumabas ang biktima na may bitbit na patalim. Bago pa man makalapit ang mga awtoridad ay biglang inatake ng biktima ang mobile patrol at tinangkang saksakin si Agsawa na nasa driver’s seat nito ngunit dahil nakasara ang bintana ng sasakyan ay nabigo ito.
Sa galit ng biktima ay pinaghahampas na lamang ng patalim ang salamin ng mobile hanggang sa mabasag saka tumihaya dito at pinagsasaksak naman ang kanyang sarili.
Agad namang sinaklolohan ng mga awtoridad ang biktima, at itinakbo ito sa nasabing ospital kung saan ito ngayon inoobserbahan. (Ricky Tulipat)