MANILA, Philippines - Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang German national na una nang inireklamo ng swindling at estafa. Si Robert Peter Fuessl, 49, ay naaresto sa Subic Freeport sa Olongapo City sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Marcelino Libanan.
Ayon kay BI Associate Commissioner Roy Almoro, si Fuessl ay inireklamo ng isang Jill Anunsacion matapos umano siyang matangayan nito ng P650,000. Nang maaresto, natuklasan din na overstaying na sa bansa ang nasabing dayuhan at nagnenegosyo dito ng walang karampatang visa.
Mayroon ding mga kaso ng estafa na kinakaharap ang dayuhan sa piskalya sa Makati at Olongapo. Base sa reklamo ni Anunsacion, ipinakilala sa kanya si Fuessl ng asawa ng nasabing dayuhan noong 2006. Nag-loan umano ang mag-asawa sa kanya ng nagkakahalaga ng P650,000 gayunman bigo ang dayuhang bayaran ito hanggang sa ngayon.
Nag-isyu pa umano ang dayuhan ng mga postdated checks na nagsitalbugan lamang.
Maliban sa nasabing reklamo isa pang Briton ang naghain din ng reklamo laban kay Fuessl, dahil sa pagkakaroon umano nito ng car import and sell business gayong isa lamang siyang turista sa bansa. Gemma Amargo-Garcia)