MANILA, Philippines - Muli na namang nagpatupad ngayong araw (Sabado) ng P1 price re duction sa kada-kilo o P11 sa kada-11 kg tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) ang mga independent dealers ng naturang produkto.
Ayon kay Arnel Ty, presidente ng Liquefied Petroleum Gas Marketeers Association (LPGMA), ang naturang panibagong rollback sa kanilang LPG ay bunga na rin ng patuloy na pagbaba ng presyo nito sa world market.
Dagdag pa ni Ty, dahil sa naturang panibagong price adjustment, simula ngayong araw ay aabot na lamang sa P467 ang presyo ng bawat-11 kg tangke ng LPG.
Una nito, noong nakaraang Miyerkules ay P1 sa kada-kilo rin ng kanilang LPG ang una ng ipinatupad na rollback ng LPGMA.
Umaasa naman si Ty na ilalabas na ng ilan pang dealers ang kanilang mga itinatagong stocks ng LPG dahil kung hindi ay tiyak na malulugi ang mga ito dahil pababa na ang presyo at bentahan ng nasabing cooking gas.