MANILA, Philippines - Patay ang isang call center agent makaraang tambangan ito at may ilang ulit na pinagbabaril sa ulo ng mga armadong suspect na pawang sakay ng isang Honda CRV, habang ang una naman ay sakay ng kanyang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namatay noon din sa mismong pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mark Davidson Razo, 42, call center agent at residente ng BF Homes, Parañaque City sanhi ng mga tama ng bala sa ulo nito.
Mabilis namang tumakas ang hindi pa kilalang mga suspect sakay ng isang silver gray na Honda CRV na hindi na nakuhanan pa ng plaka.
Batay sa imbestigasyon, kasalukuyang tinatahak ng biktima dakong alas-9:45 ng gabi ang kahabaan ng Daang Hari Road, Almanza Dos patungong Cavite, sakay ng kanyang motorsiklo na may plakang NH 6331 nang biglang dikitan ito ng isang Honda CRV at agad siyang pinagbabaril sa ulo.
Ilang mga tauhan naman ng Police Community Precinct (PCP)-10 ng Las Piñas Police na hindi kalayuan sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang agad na rumesponde matapos na makarinig ang mga ito ng mga putok ng baril.
Tinangka namang habulin ng operatiba ang mga suspect subalit matulin na pinasibad ng mga huli ang kanilang sasakyan hanggang sa tuluyang makalayo ang mga ito.
May hinala naman ang pulisya na may matinding galit ang mga suspect kay Razo dahil sa ulo pinuntirya ang biktima na ilang ulit pang pinaputukan upang matiyak na hindi na ito mabubuhay pa. (Rose Tamayo-Tesoro)