Dalawang lady jail wardens ang nasa balag ng alanganin matapos na isailalim ngayon sa masusing imbestigasyon makaraang matakasan ng mga preso sa kani-kanilang hinahawakang bilangguan.
Kinilala ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief, Director Rosendo Dial Jr. ang dalawa na sina J/Supt. Amelia Rayandayaan ng Manila City Jail Female Ward at Chief Insp. Mayla Chua ng Cainta Municipal Jail. Nabatid na unang natakasan nitong Pebrero 21 ang Cainta Municipal Jail kung saan nakapuga si Mandy Panganiban, dating empleyado ng municipal hall at nahaharap sa kasong pagnanakaw.
Nakatakas naman nitong nakaraang linggo sa MCJFW si Anna Mae Livrando nang dumaan umano sa bubungan ng kulungan na hindi napapansin ng mga guwardiyang nagbabantay.
Nabatid na naging kontrobersyal si Livrando dahil sa modus-operandi nito na mamamasukan na katulong sa mayayamang pamilya at unti-unting lalasunin ang kanyang mga amo at saka nanakawan.
Kasalukuyan namang pinaghahanap pa ang dalawang nakatakas na mga bilanggo. (Danilo Garcia)