Matapos ang dalawang araw na pagtatago, hawak na ng awtoridad ang suspek sa pagpatay sa pangulo ng Muay Thai Association of the Philippines matapos na kusang sumuko sa kanyang superior ng Philippine Army sa Tanay Rizal kahapon ng hapon.
Ayon kay Eastern Police District Director Senior Supt. Lino Calingasan, ang suspek na si Sonny Sumales, 35, ay nakatakdang iturn-over kay Pasig City Police Deputy Chief Supt. Romeo Aninag matapos ang kanyang pagsuko dahil batid nitong siya ang nalalagay ngayon sa alanganin bunga ng manhunt operation na ginagawa laban sa kanya.
Si Sumales na miyembro ng Pilippine Army ay nasa status na absence without official leave ngunit ang baril na ginamit nito sa pamamaslang kay Roberto Valdez, 40, ng #28 Rome St., Ciudad Grande, Ortigas Avenue Ext., Pasig City ay hindi nabawi, ayon pa kay Calingasan.
Ayon sa ulat, bago ang pamamaslang, si Sumales ay matagal nang nanliligaw sa isang 19 anyos na miyembro din sa naturang asosasyon na mahigpit na tinututulan ng pamilya ng biktima.
Sinasabing tinanggal bilang miyembro ng Muay Thai si Sumales dahil sa kakaibang pag-uugali nito na nakakasira sa imahe ng grupo.
Ayon sa asawa ng biktima na si Grace, 41, matindi ang pagkagusto ng suspek sa babae at bago ang pamamaslang sa kanyang asawa ay humihiling pa umano si Sumales sa huli na bigyan siya ng certification para muling makapagturo ng Muay Thai na ipinagkait naman nito na siyang hinihinala niyang dahilan upang mauwi ito sa pamamaslang.
Magugunitang Pebrero 21 ganap na alas 10 ng umaga nang pasukin ni Sumales si Valdez sa tanggapan nito sa Philippine Sports Arena sa Pasig at pagbabarilin.
Nagawa pang itakbo sa Medical City ang biktima ngunit idineklara din itong patay. (Ricky Tulipat)