MANILA, Philippines - Dinemolis ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang “mini shabu tiangge” na kanilang nadiskubre sa isinagawang Anti-Drug operation noong Martes sa Sta. Cruz, Maynila.
Personal na pinangunahan kahapon ng umaga ni MPD Station 3 Commander Supt. Romulo Sapitula ang paggiba sa mini-shabu tiangge na matatagpuan sa Dimasalang st. corner Elias st. ng nasabing lugar.
Matatandaan na may 41 katao ang naaktuhang gumagamit at bumibili ng umanoy shabu at marijuana noong Martes sa isinagawang anti-drug operation kayat nadiskubre ang nasabing bentahan ng droga.
Sa nasabing bilang nag-positibo sa paggamit ng droga ang may 23 ka tao sa isinagawang drug test ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Patuloy naman umanong magsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung sino ang supplier at drug lord na nagsisilbing financier sa nasabing shabu tiangge. (Gemma Amargo Garcia)