Sumuko ang murder suspect na si Orlando De Leon, 32, matapos na ito ay makunsensiya sa pamamaril at pagpatay sa biktimang si Claro Atacador noong Hunyo 24, 2007 sa bahay ng una sa Navotas City. Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek na nauwi sa pamamaril ng huli. (Lordeth Bonilla)
Taning sa buwis
Meron pang hanggang Pebrero 20, 2009 ang mga negosyante sa Maynila para magbayad ng mga kaukulang lokal na buwis tulad ng business tax o business permit at iba pang kaugnay na obligasyon. Ginawa ng pamahalaang-lunsod ang hakbang alinsunod sa itinatakda ng Local Government Code of 1991 at para bigyan ng pagkakataon ang maraming bilang ng mga magbabayad ng buwis na naapektuhan ng mahabang bakasyon noong Disyembre. (Doris Franche)
2 binata dinampot
Kasong illegal possession of deadly weapon ang isasampa laban sa dalawang binata na sina Jamil Ruano, 20 at Raymond Temprosa, 20, matapos mahulihan ng mga patalim ng mga nagrorondang pulis at tanod kamakalawa ng gabi sa Malabon City. Bigla umanong naging mailap ang mga suspek nang makita ang mga pulis at tanod na naging dahilan upang kapkapan ang mga ito hanggang sa mahulihan ng mga patalim. (Lordeth Bonilla)