Binatilyo binoga ng alaskador

Isang 18 anyos na binatilyo ang napatay makaraang patulan niya ang pambubuska ng dalawang binatilyo din sa kaniyang kasuotan na nauwi sa pamamaril sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Narciso Caballeda III, alyas “Encie” ng #1547 Francisco St., na tinamaan ng bala sa tenga.

Itinuturong mga suspek ang isang alyas Jobert at isang alyas “Pepe” na mabilis tumakas matapos ang insidente, kapwa miyembro umano ng “High Five gang”.

Sa ulat ni Det Edgardo Ko ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi nang naganap ang pama­maril sa kanto ng N. Zamora at Peña­losa St., Tondo.

Naglalakad ang biktima upang ihatid sa sakayan ng dyip ang kaniyang nobya na si Jerice Capanan sa terminal sa Pritil St. nang makasalubong ang dalawang suspek.

Inasar umano ng isa sa suspek ang bik­tima habang magkahawak-kamay sa kani­yang nobya ng “Naka-ano ka pa, ha!” pa­tungkol sa suot nitong maluwag na t-shirt at nakabandana sa ulo.

Ikinairita ito ng biktima at nauwi sa pag-aaway hanggang sa magbunot umano ng baril ang isa sa dalawang suspek at pina­putukan ng malapitan sa tenga ang biktima. (Ludy Bermudo)

Show comments