Dumanak ang dugo sa isang street party matapos pagsasaksakin ang isa sa mga kalahok ng isa ring kalahok kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Kaagad na isinugod sa Rizal Medical Center at kasalukuyan pang inoobserbahan sanhi ng isang tama ng saksak sa katawan ang biktimang si Christopher Nieva, nasa hustong gulang ng Lower Bicutan.
Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga pulis laban sa suspek na nakilala lamang sa pangalang Regidor Valdemar.
Masayang idinaraos ng mga residente ng Lower Bicutan sa Dandan St. ang isang street party bilang tradisyon sa pagsalubong nila sa Bagong Taon.
Habang masayang nagsasaya sa saliw ng masayang tugtugin, nagkabungguan sina Nieva at Valdemar na kapwa kalahok at inakala ng suspek na sinasadya ng biktima.
Nagkasagutan muna ang dalawa hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at kaagad inundayan ang biktima bago mabilis na tumakas. (Lordeth Bonilla)