Bunga ng inaasahan na namang paglipana at posibleng pag-atake ng mga masasamang elemento partikular ng mga miyembro ng holdup at robbery gang sa Kapaskuhan, sinimulan na rin kahapon ng National Capital Region Office (NCRPO) ang pagpapakalat ng mga “bus marshals” sa Kalakhang Maynila.
Sa panayam kay NCRPO chief Dir. Leopoldo Bataoil, ang nasabing mga bus marshals ay pawang naka-uniporme ng mga pulis na sasakay sa kada-bus kung saan dapat ay dalawahan o kailangang “in-tandem” aniya ang mga ito.
Upang hindi naman umano makaranas ng hilo o pagka-bagot sa biyahe ay salit-salit na sasakay ang mag-partner na pulis na papalitan din ng kanilang mga ka-relyebo.
Sinabi pa ni Bataoil na ang nasabing mga bus marshals ay magiging kaakibat ng mga ipinakalat na ring “Santa cops” ng NCRPO sa iba’t ibang mga matataong lugar ng metropolis gaya ng mga malls na magbabantay sa seguridad ng publiko sa Kapaskuhan.
Sa kabila nito, umapela naman ang kapulisan sa publiko na maging maingat, mapag-matyag at tumulong na rin sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay agad sa mga kinauukulan ng impormasyon sakaling may mapansin na mga kahina-hinalang mga elemento upang mapanatili ang ligtas at masayang selebrasyon ng Kapaskuhan pati na ng Bagong Taon. (Rose Tamayo-Tesoro)