Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang nasa likod ng pamamaslang sa isang 44-anyos na vendor ng dalawang umano’y mga ‘tulak’ sa iligal na droga, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Kathy Apura, dalaga, ng Magsaysay, Bgy. 120, Zone 9, Tondo, dahil sa tinamong tama ng bala sa leeg.
Wanted naman sa pulisya ang mga suspect na kinilala lamang sa mga alyas na “Mac-mac”, miyembro ng Batang City Jail at “Topie”, tinatayang kapwa nasa 20-taong gulang.
Nabatid sa report na dakong alas-2 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa harapan mismo ng bahay ng biktima
Sinabi ni Marilou Nieves, live-in partner ni Apura, nag tungo sa kanila ang dalawang suspect at sa simula ay mahinahon umano ang naging pag-uusap ng tatlo hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa galit umano ni Mac-mac ay sinabunutan ang biktma at kinaladkad palabas ng bahay at si Topie umano ang bumunot ng baril at ipinutok sa biktima na tumama sa leeg. Nang humandusay ang biktima ay kaswal lamang na lumakad papalayo ang dalawang suspect. Mariing itinanggi ni Nieves na gumagamit o nagbebenta sila ng iligal na droga bagamat sa nakalap na impormasyon sa mga kapitbahay, narinig nila na ang pinagtatalunan ay hinggil sa iligal na droga. (Ludy Bermudo)