Lumikha ng sindak at matinding tensiyon na nagdulot nang pagkakabuhul-buhol ng trapiko ang natagpuang dalawang bag na naglalaman ng “incendiary bombs”, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Bunga nito, halos isang oras na isinara sa trapiko ang kahabaan ng Andrews Avenue at Aurora Blvd. upang bigyang-daan ang isinagawang bomb disposal ng mga rumespondeng tauhan ng Special Weapons and Tactics-Bomb Disposal Unit sa natagpuang bag na may nakausling asul at green na nylon cord na nakalagay sa ibabaw ng center island sa naturang lugar.
Ayon kay PO3 Nestor Rubel, may hawak ng kaso, dakong alas-5 ng madaling-araw nang unang maka-tanggap ang pulisya ng impormasyon hinggil sa dalawang bag malapit sa KIA Motors Showroom sa naturang lugar.
Dahil malaki ang panganib na sumabog ang laman ng bag na naglalaman ng limang galon ng gasolina na may white substance, at isang 250 ml plastic bottle na naglalaman rin ng isa pang uri ng substance, agad na nag-desisyon si SPO1 Renato Llano ng SWAT na pasabugin ang laman nito upang hindi na makapinsala pa sa mga kalapit na gusali at mga pasaherong nagdaraan sa naturang lugar.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang awtoridad upang tukuyin kung sino ang naglagay ng naturang bag at upang mabatid na rin ang motibo nito o intensiyon ng mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)