Tuluyan nang sinibak kahapon sa kanyang pwesto ni Southern Police District (SPD) Director Senior Supt. Jaime Calungsod si Pasay City Police chief Senior Supt. Marietto Valerio dahil na rin sa pagiging overstaying nito sa kanyang puwesto, gayundin sa kabiguang masawata ang krimen sa lungsod.
Ayon kay Calungsod, paiiralin niya ang dalawang taon lamang na panunungkulan ng chief of police sa anim na siyudad at isang bayan na kanyang nasasakupan kung kaya’t bago pa man sumapit ang Pasko ay tiyak aniyang mapapalitan na lahat ng mga hepe na nakapag-lingkod na ng lagpas sa dalawang taon.
Bukod kay Valerio na nanungkulan ng dalawang taon at dalawang buwan bilang hepe ng Pasay Police, nagsimula na ring manungkulan kahapon bilang hepe ng Las Piñas Police si Senior Supt. Amando Clipton Empiso, kapalit ni Senior Supt. John Sosito na itinalaga sa headquarters ng SPD.
Sa araw ng Lunes naman ang pormal na panunungkulan ni Senior Supt. Raul Petrasanta bilang bagong hepe ng Pasay, kapalit ni Valerio .
Una ng pinalitan sa puwesto noong nakaraang buwan matapos ang mahigit anim na taong panunungkulan si Supt. Ronald Estilles bilang hepe ng Parañaque Police na sinundan ng pagkakasibak kina Supt. Alfred Corpus ng Taguig city police at Senior Supt. Alfredo Valdez ng Muntinlupa city police.
Si Valdez ang itinalagang hepe ng Parañaque police, habang naupo naman si Senior Supt. Camilo Pancratius Cascolan sa Taguig at naupo naman bilang OIC na Muntinlupa si Supt. Michael Bisagas.
Sinabi ni Calungsod na bago sumapit ang Pasko ay matatapos na ang isinasagawa nilang pag-balasa sa mga hepe ng pulisya kung saan posibleng maapektuhan sina Senior Supt. Gilbert Cruz ng Makati police at Senior Supt. Alfredo Paje ng Pateros police. (Rose Tamayo-Tesoro)