2 Koreano nilooban, P12-milyon tangay
Umaabot sa P12 milyon halaga ng pera at mga mamahaling alahas ang nawala sa dalawang Koreano makaraang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang condominium unit sa lungsod ng San Juan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Joong Nam Yoon 60, at Kim Oek Hyun 61, pansamantalang naninirahan sa Unit 602 Richbelt Tower na matatagpuan sa kahabaan ng Annapolis St. Greenhills, San Juan.
Ayon sa ulat ng San Juan police, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi kamakalawa nang pasukin ng apat na magnanakaw at tatlo sa mga ito ay armado ng maiikling kalibre ng baril ang tinutuluyang unit ng mga biktima.
Matapos itali ang dalawang biktima ay nilimas ng mga suspek ang pera ng mga ito na kinabibilangan ng 300 million won (P10 million) $2,000 (P98,000) at P1,800.
Kinuha rin ng mga suspek ang iba’t ibang mamahaling alahas ng mga ito na umaabot umano sa P600,000 na kinabibilangan ng isang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng $4,000, gold bracelet na $2,000, Cartier watch na nagkakahalaga ng $2,700 at Omega watch na may halagang $2,000.
Hindi rin pinatawad ng mga magnanakaw ang cellphone ng katulong ng mga Koreanong biktima at pati ito ay kanilang tinangay bago mabilis na nagsitakas palabas ng nasabing unit.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa agarang paglutas ng kaso. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending