Nagbabala kahapon ang Quezon City Police District at Quezon City Government sa publiko na mag-ingat sa pagbili nila ng karne lalo ngayong nalalapit ang Kapaskuhan dahil sa pagdagsa ng mga ibinibentang “double dead meat” sa mga pamilihan.
Ito’y matapos na makumpiska ang tinatayang nasa tatlong toneladang “double dead” na karne ng baboy o botcha sa isinagawang pagsalakay sa Balintawak Public Market ng QCPD at Quezon City Veterinary Office dakong alas-11 kamakalawa ng gabi.
Nabatid na nanggaling umano ang mga botchang karne sa lalawigan ng Bula can at pinoproseso sa palengke ng Balintawak bilang mga tocino at longganisa upang hindi mahalata na double dead.
Nangingitim na ang mga karne na panganib na umano kung makakain.
Nabatid pa na lubhang napakadumi rin ng pabrikang pinagdalhan ng mga karne upang doon na ito prinoproseso.
Ilang tindero naman ang nadakip sa naturang operasyon habang patuloy na kinikilala ang may-ari ng mga stalls kung saan nakumpiska ang mga karne para masampahan ng kaukulang kaso.
Nakatakda naman umanong magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panglungsod ng Quezon City upang maitaas ang parusa sa mga madadakip na nagbebenta ng double dead na karne. Pabalik-balik umano sa kanilang iligal na operasyon ang mga financier at tindero ng botcha dahil sa kasalukuyan anim na buwang pagkakulong at mababang multa lamang ang parusa dito.
Nakatakda namang sunugin ng Quezon City Veterinary Office ang mga nakumpiskang karne o ipakain na lamang sa mga hayop sa zoo kung pupuwede pa.