Nasawi ang isang lalaki, na hinihinalang isang holdaper, nang saksakin ng nobyo ng babaeng umano’y biniktima nito sa Sta. Cruz, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang sinasabing holdaper na inilarawang nasa gulang na 40-45, may taas na 5’5,” payat, maiksi ang buhok, nakasuot ng asul na t-shirt at checkered na short pants, bunsod ng tinamo nitong tama ng saksak sa dibdib.
Pinaghahanap naman ang di nakilalang suspek na inilarawan namang nasa edad 20 hanggang 22, payat, nakasuot ng puting t-shirt at knee short pants at tumakas matapos ang insidente.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng MPD, nabatid na dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Remigio at Mayhaligue Sts., sa Sta. Cruz.
Nauna dito, nakita umano ng mga saksi ang nasawi na hinahabol ng suspek sa kahabaan ng Felix Huertas St., hanggang sa makorner nito sa naturang lugar at sinabihang “hinoldap mo raw ang girlfriend ko.” Nagpahiwatig naman umano ang biktima na wala itong kinalaman sa ibinibintang sa kanya kaya nagtaas ito ng kamay subalit binalewala siya ng suspek at sinaksak ito sa dibdib bago tumakas. (Ludy Bermudo)